Nakiisa si Pangulong Noynoy Aquino sa pagdiriwang sa Pasko ng pagkabuhay na tradisyunal na ginagawa ng mga Pilipino pagkatapos ng Semana Santa.
Inihayag ng Pangulo sa kanyang Easter Message na hangad niya ang kapayapaan at pagkakaisa ng bawat isa at ituloy ang pinapangarap na masiglang pagbangon ng bansa.
Ayon kay Pangulong Aquino, natapos na ang panahon ng kuwaresma kung saan nakapagnilay-nilay ang bawat isa sa mga naging aksyon sa nakalipas na taon.
Umaasa rin ang punong ehekutibo na maging daan ang ilang araw na pahinga para makapagsimula muli at maitama ang mga naging pagkakamali.
Sa daang matuwid anya ay naipakita ang positibong transpormasyon, nawalis ang katiwalian at napatatag ang mga institusyon dahil sa mga reporma at marami ang nakalaya sa kahirapan.
Habang papalapit ang bansa sa sangandaan, hinimok ni Pangulong Aquino ang sambayanan na iwasan ang mga agam- agam at harapin ang bukas ng may tapang at pag-asa upang mabatid ang tama at karapat-dapat para sa bayan.
By: Aileen Taliping (patrol 23)