Aarangkada na bukas ang ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng 81 million dollar money laundering scheme.
Ayon kay Senador Serge Osmeña, kapag humarap na sa pagdinig ang negosyanteng si Kim Wong, dapat nitong ipaliwanag ang naging papel nito kung bakit naipasok sa RCBC ang naturang halaga na ninakaw sa Bangladesh Bank.
Si Wong ang itinuturong nag-rekomenda sa apat na pangalan na sabay-sabay na pinagbukas ng dollar account sa RCBC Jupiter Branch sa Makati City kung saan dito ipinasok ang 81 million dollar.
Matatandaang sa naunang dalawang pagdinig, bigo si Wong na makadalo sa senate hearing dahil nasa Singapore ito at nagpapagamot.
Kim Wong
Handa na ang Chinese businessman na si Kim Wong na humarap sa senado para mag-tell all ng kanyang nalalaman sa ninakaw na 81 million dollars mula sa Bangladesh Central Bank.
Sa mensahe ni dating Senator Ping Lacson sa pahayagang Inquirer, bukas ay handa na ang kanyang kaibigang si Wong na humarap upang ibigay ang lahat ng kanyang nalalaman at itama ang ilang mga maling pahayag sa senado.
Nitong nakaraang linggo ay nakabalik sa bansa si Wong matapos na magpagamot sa Singapore.
Sinasabing pag-aari ni Wong ang ilan sa mga bank account kung saan pumasok ang iligal na pera.
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)