Pinaiiwas ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga barangay official sa anumang political activities ng mga kandidato sa eleksyon sa Mayo 9.
Nakasaad sa joint circular ng COMELEC at Civil Service Commission na alinsunod sa batas ay dapat ang mga barangay official ay non-partisan o walang kinikilingang kandidato at hindi sumusuporta sa anumang political party.
Dahil dito, nagbabala si COMELEC Chairman Andy Bautista sa mga barangay official na lalabag dito na posible itong maparusahan ng kasong kriminal sakaling mapatunayang nakikisangkot sa political activities.
Sinabi ni Bautista na ang mga kasalukuyang nakaupong barangay official ay hindi kasama sa mga officer at empleyado ng pamahalaan na itinuturing bilang mga occupying political offices.
Sa halip, ang mga itinuturing na mga occupying political offices ay ang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa, mga cabinet secretary, gayundin ang mga iniluklok na provincial, city at municipal officials.
By Meann Tanbio | Allan Francisco (Patrol 25)