Nananatiling pangarap ng bawat Overseas Filipino Worker o OFW ang makauwi at manirahan na sa Pilipinas kasama ng kanilang pamilya.
Reaksyon ito ni Gary Martinez, Chairman ng Migrante International sa survey ng National Economic Development Authority o NEDA na 88 porsyento ng mga OFW’s ang mas gustong umuwi ng Pilipinas.
Gayunman, ang reyalidad anya ay wala namang trabaho o kung meron man ay hindi naman sapat ang pasahod sa Pilipinas kayat nagtitiis na huwag umuwi ng bansa ang mga OFWs.
“Nais man nilang sa Pilipinas talaga mamuhay kasama ang pamilya pero ang realidad kahit gustuhin man nila yun eh wala naman talagang trabaho at nakabubuhay na sahod dito sa ating bansa, yun lang po talaga ang nagiging hadlang para hindi sila makauwi dito sa ating bansa.” Ani Martinez.
Samantala, patuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga Pinoy na umaalis para magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Martinez, sa ngayon, umaabot na sa mahigit na 6,000 ang umaalis araw-araw kumpara sa halos 4,500 noong 2010.
“Sa huling datos na inilabas ng DOLE eh merong 6000 mahigit ang umaalis sa atin araw-araw, kaya nga po pag sinasabi ng DOLE na may sapat na trabaho dito sa Pilipinas at marami silang nabibigyan ang malaki lang pong question sa amin bakit siksikan pa rin sa ating mga international airport.” Pahayag ni Martinez.
By Len Aguirre | Ratsada Balita