Tanging sorry lang ang nasambit ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga pasaherong apektado ng blackout sa NAIA Terminal 3 nitong weekend.
Ayon sa kalihim, pumalya kasi ang generator set ng paliparan dahil nasaid ang isa sa mga baterya nito dahilan upang hindi ito agad bumukas.
Gayunman, ini-ulat sa kanya ni NAIA-3 Manager Octavio Lina na siyam sa sampung generator set ang napagana sa kasagsagan ng blackout.
Hinala ni Abaya, hindi maayos ang maintenance sa mga generator set ng NAIA kaya ito pumapalya.
Gayunman, sinabi ng kalihim na patuloy ang kanilang pag-iimbestiga sa tunay na sanhi ng nasabing aberya.
‘Bukas maleta gang’
Tila sinamantala ng mga kawatan ang mahabang blackout sa NAIA Terminal 3 nitong weekend para makapambiktima.
Ito’y makaraang magreklamo ang ilang pasahero sa pagkakaransak ng kanilang mga maleta’t bagahe habang nasa paliparan.
Ayon sa balikbayang si Cecilio Gresos mula Amerika, dalawa sa kanyang mga bagahe ang wasak nang ito’y kanyang Makita.
Nang usisain, napag-alaman ni Gresos na may ilang kagamitan na siyang nawawala tulad ng dalawang mamahaling cellphone.
Ganito rin ang reklamo ng iba pang pasahero sa kanilang sinapit mula sa umano’y bukas maleta gang sa loob mismo ng paliparan.
By Jaymark Dagala