Tutol ang grupong LENTE o Legal Network for Truthful Elections sa plano ng Commission on Elections (COMELEC) na ilipat ang venue ng canvassing para sa senatorial at partylist poll sa Manila Hotel, sa halip na sa Philippine International Convention Center o PICC.
Sa panayam ng DWIZ, ipinaliwanag ni Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director ng LENTE na sa tingin niya ay hindi makakamura ang COMELEC dito.
Aniya, posibleng mas mahal pa ang Manila Hotel kumpara sa PICC.
Iginiit ni Caritos na matagal nang ginagawa sa PICC ang canvassing at hindi naman ito kalayuan mula sa tanggapan ng poll body.
“Kasi ang Manila Hotel ay 5-star hotel, posibleng mas mahal pa yan sa PICC at kung yan nga po ang sitwasyon ay sana huwag nang ituloy yan ng COMELEC, kasi ang kanila pong dahilan ay kung bakit nila gusto sa 5-star hotel ay yan ay mas malapit sa COMELEC, na hindi naman kalayuan ang PICC, konting minuto lang nandun ka na, pangalawa ang sinasabi ni Chairman Bautista, yan po ay makakatulong sa tamang pagbilang ng boto pero sa tingin po namin ay hindi na kailangan ng 5-star hotel sa pagbilang ng boto natin at matagal na nating ginagawa sa PICC ang canvassing.” Pahayag ni Caritos.
BEI uniform
Hindi praktikal para sa election watchdog na LENTE ang pagbili ng COMELEC ng uniporme para sa mga magsisilbing board of election inspectors (BEIs) sa May 9 elections.
Iginiit ni LENTE Executive Director Atty. Rona Ann Caritos na mas mainam kung ilalaan ang budget para rito sa transportation allowance ng mga guro.
Matatandaang 26 na milyong piso ang approved budget para sa uniporme o bib vest.
“Yan po sa amin ay hindi praktikal kasi ang gagastusin po nila diyan ay 26 million pesos at ito ay para sa isang bib na isang beses lang gagamitin, sana po yang P26-M na yan ay ilagay nila sa iba pang mas importanteng bagay katulad ng additional na transportation kasi lalabas P75 per bib, so ibigay na lang nila sa teachers bilang additional na transpo allowance, hindi praktikal, isang beses na gagamitin, ang eleksyon nga po natin ay tumakbo na ng matagal na wala namang uniform na ginagamit ang mga teachers.” Dagdag ni Caritos.
Ipinabatid din ni Caritos na pabor naman sila sa pagbili ng poll body ng mga gunting.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay LENTE Executive Director Atty. Rona Ann Caritos
By Meann Tanbio | Ratsada Balita