Usap-usapan na ngayon kung sino sa mga kandidato sa pagkapangulo ang ie-endorso ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC).
Kilala ang INC sa bloc voting o pagbibigay ng nagkakaisang boto para sa isang partikular na kandidato.
Inihayag ni Senadora Grace Poe na nasa Cebu, na siya ang kusang lumapit sa INC para ilatag ang kanyang palataporma.
Una rito, naghayag na si administration bet Mar Roxas ng pagiging bukas sa pakikipag-usap sa liderato ng INC.
Bagama’t walang bagong pahayag si Vice President Jejomar Binay hinggil sa usapin, madalas itong nakikitang bumibisita sa mga kapilya ng INC sa bawat lugar na puntahan nito.
Habang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, nanindigang aapak lamang sa templo sentral ng INC kung iimbitahan siya ng liderato nito ngunit hindi magkukusang lumapit para hingin ang endorso nito.
Magugunitang umani ng iba’t ibang reaksyon ang mga naging pahayag ng mga nasabing presidentiables nang dalhin sa kalsada ng INC ang kanilang sentimiyento dahil sa umano’y pakikialam ng gobyerno sa kanilang liderato.
By Jaymark Dagala