Nakitaan na ng Office of the Ombudsman ng probable cause upang kasuhan sina dating PNP Chief, Dir. Gen. Alan Purisima at retired Special Action Force Chief, Director Getulio Napeñas kaugnay sa Mamasapano massacre noong January 2015.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, kasong usurpation of authority or official functions at violation ng section 3-A ng anti-graft and corrupt practices act ang kahaharapin nina Purisima at Napeñas.
Sa 40 pahinang joint resolution, inihayag ni Morales na sa kalagitnaan ng suspension period ng dating Chief PNP ay wala itong kapangyarihan na gawin ang official duties at functions lalo ang pangasiwaan o pangunahan ang isang mission planning at execution ng high risk police operation.
Ipinaliwanag naman ng Ombudsman na sa panig ni Napeñas ay isang malinaw na nagkaroon ito ng kasunduan kay Purisima upang isagawa ang crime of usurpation of official functions dahil sa pagsunod sa utos ng dating Chief PNP kahit suspendido ito.
Napatunayan ding liable sa grave misconduct, gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of the service ang dalawang retiradong opisyal.
Malacañang
Tumanggi munang magbigay ng komento ang Malacañang sa rekomendasyon ng Office of the Ombudsman na kasuhan sina dating PNP Chief Alan Purisima at retired Special Action Force Commander, Director Getulio Napeñas kaugnay sa Mamasapano massacre.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny coloma, kailangan muna nilang mabasa official findings ng Ombudsman kaugnay sa pagsasampa ng kaso laban sa dalawang retiradong opisyal.
Sa ngayon anya ay walang nakikitang dokumento ang Palasyo mula sa tanodbayan kaya’t hindi tamang magsalita dahil maaari lamang itong bigyang kulay lalo ng mga kalaban ng administrasyon.
By Drew Nacino | Jill Resontoc (Patrol 7)