Kumbinsido si Senador Serge Osmeña na nasa Philrem pa rin ang may 17 mula sa 80 milyong dolyar na ninakaw mula sa Bangladesh Central Bank.
Inihayag ito ng Senador matapos ang ika-apat na pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa money laundering scandal.
Giit ni Osmeña, malaki ang ginagampanang papel ng Philrem sa nasabing anomalya dahil dito dumaan ang naturang halaga ng salapi.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Osmeña na nasa 64 na milyong piso ang na-account na base sa mga inilahad nila casino junket agent Kim Wong gayundin ng mag-asawang sina Philrem President Salud Bautista at company treasurer nitong si Michael.
BSP
Inamin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mahigpit na binabantayan ngayon ng iba’t ibang financial institutions sa buong mundo ang Pilipinas kaugnay sa nabunyag na 81 million dollars money laundering scandal.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni BSP Deputy Governor Nestor Espenilla Jr. na mas hinigpitan pa ngayon ang pagpasok ng remittance sa bansa mula sa mga Overseas Filipino Worker.
Gayunman, kinalma ni Espenilla ang publiko dahil hindi pa naman apektado ng kontrobersiya ang mga ipinadadalang pera ng mga OFW.
Gayunman, ibinabala ni Espenilla na posibleng magkaroon ng pagtaas sa singilin sa remittances kung hindi agad naagapan ang nasabing anomalya.
By Jaymark Dagala