Kinumpirma mismo ng international terrorist group na Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ang kanilang presensya sa Pilipinas.
Ito’y makaraang akuin ng ISIS ang serye ng pag-atake sa isla ng Basilan na ikinasawi ng hindi mahigit sa 40, kapwa sa panig ng militar at ng bandidong Abu Sayyaf.
Sa pahayag ng ISIS na iniulat ng Reuters, sinabi nito na tatlo sa kanilang mga tauhan ang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring pag-atake.
Sampung (10) oras ang itinagal ng nangyaring bakbakan sa pagitan ng militar at ng may tinatayang nasa 120 bandido.
Nasawi sa nasabing bakbakan ang Moroccan bomb expert na si Mohammad Khattab habang kritikal naman ang ASG leader na sina Furuji Indama at Isnilon Hapilon.
PNP
Muling minaliit ng Pambansang Pulisya ang balitang nakapasok na sa bansa ang international terrorist group na ISIS.
Ito’y sa kabila ng nakuha nilang larawan kung saan, nakasuot ng t-shirt na may tatak ng ISIS ang napatay na Moroccan bomb expert na si Mohammad Khattab.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Wilben Mayor, malinaw na sympathizer lamang ng ISIS ang grupo na nakabakbakan ng militar sa Basilan kaya’t hindi maituturing na miyembro ng ISIS ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Mayor na kumpiyansa silang hindi na aabot pa sa Maynila ang gulong nangyayari ngayon sa Basilan.
Gayunman, ayaw aniya nilang magpaka-kampante kaya’t handa ang kanilang hanay sa anumang contingency na maaaring dumating sa hinaharap.
By Jaymark Dagala