Kumuha ng mga cyber security experts mula sa ibang bansa ang Commission on Elections o COMELEC.
Ito’y upang matiyak ang integridad at seguridad ng resulta ng nalalapit na eleksiyon.
Ayon kay COMELEC Chairman Juan Andres Bautista, sa ganitong paraan ay mahihirapan ang mga hackers na pasukin ang kanilang website.
Sinabi ni Bautista na kinu-konsulta na nila ang Microsoft Corp. at ilang cyber experts sa ibayong dagat para maprotektahan ang COMELEC website.
Info breach
Ikinaalarma maging ng Pambansang Pulisya ang inilunsad na website ng mga hacker kung saan matatagpuan ang mga ninakaw na voter’s database mula sa website ng COMELEC.
Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, malaki ang posibilidad na mabiktima ng identity theft at personality cover ang sinumang may record sa nasabing website.
Naroon anila kasi ang ilang personal na impormasyon tulad ng passport number, civil status, birthdate at birth place gayundin ang kasalukuyang address.
Dahil dito, iginiit ng PNP na dapat higpitan pa ng mga banking at financial institutions ang kanilang security measures upang hindi makalusot at magamit sa krimen ang mga nagleak na impormasyon.
Netizens
Samantala, ikinadismaya ng mga netizens ang nangyaring data breach ng mga botante na na-hack sa website ng COMELEC.
Kasunod nito, sinisisi ng mga netizens ang poll body dahil sa kabiguan nitong protektahan ang personal na datos ng mga botante mula sa mga hacker.
Nagpahayag ng pangamba ang mga ito na posibleng magamit sa anumang uri ng krimen ang mga nag-leak na impormasyon .
Una rito, naaresto na ang pinaniniwalaang hacker na si Paul Zulueta, 23-anyos, isang Information Technology graduate na residente sa lungsod ng Maynila.
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala