Iniimbestigahan na ng Ombudsman sa Visayas ang mga ulat hinggil sa paggamit ng kapatid ng Pangulong Aquino na si Kris Aquino sa presidential chopper sa pangamgampanya.
Ayon kay Atty. Maria Corazon Naraja, tagapagsalita ng Ombudsman for Visayas, nangangalap na lamang sila ng mga ebidensya upang matukoy kung may naging paglabag sa batas ang kapatid ng Pangulo.
Gayunman, tumanggi si Naraja na magbigay pa ng kaukulang detalye dahil kailangan nilang ikunsidera ang mga ligal na aspeto sa usapin.
Ngunit ipinunto nito na sa mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga government owned vehicles sa pangangampanya sa ilalim ng umiiral na omnibus election code.
PNoy
Ipinagtanggol naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang kapatid na si Kris Aquino dahil sa mga banat at batikos kaugnay sa paggamit ng presidential chopper sa pangangampanya sa mga probinsya.
Ayon kay Pangulong Aquino, siya ang nagpasakay kay Kris sa helicopter at kasama siya nang magtungo sila sa Samar at Cebu.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi niya makita ang dahilan kung bakit pinupuna ang kapatid gayong isa ito sa mga pinakamalaking magbayad ng buwis.
Isinama aniya nito ang TV host dahil nagboluntaryo ito na tumulong sa kampanya.
Naniniwala ang Pangulo na ang mga taong pumupuna ngayon sa kapatid ay siyang grupo ng mga kritiko na bumabanat sa kanya at nagsasabing lame duck president na siya subalit patuloy naman siyang pinapansin.
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Aileen Taliping (Patorl 23)
Photo grabbed from: Facebook