Pinawi ng Pangulong Aquino ang pangamba ng publiko at sinabing kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon sa kabila ng pinalakas na opensiba sa Abu Sayyaf.
Ayon sa Pangulo, makakaasa ang publiko na maaari nilang ituloy ang kanilang mga normal na gawain.
Nakatutok aniya ang opensiba sa Basilan, kung saan pangunahing tinututukan sina Isnilon Habilon at ang sub leader nito na si Furudi Indama.
Abot – kamay na din, ayon sa Pangulo, ang tagumpay sa pagtugis sa grupo ni Rabilon Sahiron na siyang may kontrol sa mga bihag.
Una nang nabunyag na plano ng Abu Sayyaf na maghasik ng lagim sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga miyembro ng Rajah Solaiman Group na nasa NBP.
High morale
Nananatiling mataas ang morale ng tropa ng mga sundalo na nasa Mindanao sa gitna nang puspusang operasyon kontra Abu Sayyaf.
Ipinabatid ito nina acting AFP Chief of Staff Lt. General Glorioso Miranda nang magtungo ng Mindanao kahapon kasama si Army Commanding General Lt. General Eduardo Anio para i-supervise ang operasyon laban sa mga bandido.
Ayon kay Miranda, pursigido ang mga sundalo na tuluyang mapulbos ang mga bandido sa kabila nang pagbibitiw sa puwesto ni Brigadier General Alan Arrojado.
By Katrina Valle | Judith Larino | Aileen Taliping (Patrol 23)