Humihingi ng isang linggong tigil-putukan ang NPA o New People’s Army sa lalawigan ng Agusan upang bigyang daan ang pagpapalaya sa kanilang mga bihag na sundalo.
Sa isang statement na inilabas ni Cesar Renerio, Spokesman ng NDF/NPA sa North Center Mindanao, nais nilang magpatupad ng tigil-putukan ang pamahalaan mula hatinggabi ng Mayo 2 hanggang sa hatinggabi ng Mayo 8 sa Buenavista, Las Nieves at Butuan City sa Agusan del Norte at sa Esperanza, San Luis, Talacogon at La Paz sa Agusan del Sur.
Sinabi ni Renerio na ihahayag nila kung kelan at anong oras nila pakakawalan ang dalawang bihag nilang sundalo sa sandaling magdeklara ng ceasefire ang pamahalaan.
Kinilala ni Renerio ang pagsisikap ng local crisis committee ng Talacogon sa pakikipag-negosasyon sa kanila gayundin ang third party facilitators ng Iglesia Filipina Independiente.
N0ong Abril 3, dinakip ng npa sina Private First Class Diven Tawide at Private First Class Glen Austria sa Barangay Lower Olave sa bayan ng Buenavista Agusan del Sur.
By Len Aguirre