Nagpatrolya muli ang barkong pandigma ng Amerika sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ipinabatid ni Pentagon Spokesman Commander Bill Urban na pumasok sa loob ng 12 nautical miles na itinakdang limit ng China ang USS William P. Lawrence sa Fiery Cross Reef.
Sinabi ng Pentagon na paraan ito ng Amerika para hamunin ang anito’y hindi na makatarungang claim ng China sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Urban na hindi naaayon sa international law ang nasabing claim ng China.
China fighter jets
Dalawang fighter jets at tatlong warship ang ipinadala ng China sa Fiery Cross o Kagitingan Reef na bahagi ng Spratly Islands.
Ito’y makaraang maglayag ang guided missile destroyer ng Amerika na USS William P. Lawrence sa 12 nautical miles ng Kagitingan Reef.
Ayon kay US Defense Department Spokesman Bill Urban, napatunayan nilang walang basehan ang labis na pag-angkin ng Tsina sa mga isla sa South China Sea alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Karapatan anya ng anumang bansa na dumaan o maglayag sa nasabing karagatan bilang bahagi ng freedom of navigation.
Sinupalpal din ng Chinese Defense at Foreign Ministries ang paglalayag ng isa sa mga barkong pandigma ng Amerika.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesman Lu Kang, iligal na kaya’t agad silang nagpadala ng mga figther jet at barkong pandigma.
Ito, anya, ay upang balaan ang nabanggit na barko ng Amerika sa paglapit sa Fiery Cross Reef.
Nakaaalarma anya ang naging aksyon ng US para sa soberanya at security interest ng China at nalagay sa panganib ang staff at pasilidad na nasa artipisyal na isla.
By Judith Larino | Drew Nacino