Dalawang Chinese fishing vessels sakay ang 25 crew ang nahuling nangingisda sa bahagi ng balintang channel sa Batanes.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni BFAR director Asis Perez na nagpapatrol ang MTS-3010 sa bahagi ng Luzon Strait nang mamataan ang mga nabanggit na fishing vessel dakong 4:20 ng hapon kahapon.
Ayon kay Perez, pina-tsek niya agad kung ang mga ito ay may pinanghahawakang Right of innocent passage mula sa Department of Foreign Affairs, subalit walang nakita ang mga tauhan ng MTS.
Nakapagtataka rin aniya na bukod sa mayroong Chinese flag ang mga naturang Chinese fishing vessel, kapansin-pansin na mayroon ding watawat ng Pilipinas kung saan kulay pula ang nasa ibabaw at asul ang nasa ilalim.
Hinala ni Perez, plano ng mga ito na manghuli ng tuna sa balintang channel lalo’t may dala ang mga ito na long line fishing gear.
Dinala na ang mga nahuling indibidwal sa port of Basco para sa kaukulang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Perez na plano nilang sumulat sa DFA para mag-request ng interpreter.
By: MeAnn Tanbio