Pinag-aaralan na ng kampo ni Senador Bong Bong Marcos ang susunod nilang legal na hakbang para maisulong ang hirit na systems audit hinggil sa tunay na resulta ng botohan sa Vice Presidential race.
Ipinabatid ito ni ABAKADA Rep. Jonathan Dela Cruz, campaign adviser ni Marcos makaraang ikinalungkot ang hindi pa rin pag-aksyon ng COMELEC sa hirit nila na system audit sa Transparency at Central Server hangga’t hindi pa tapos ang ginagawang canvassing ng joint canvassing committee sa Kongreso.
Ayon kay Dela Cruz, hindi nila maintindihan kung paano makakaapekto ang hiling nilang systems audit sa ginagawang official canvassing, gayong lahat ng election returns ay nai-transmit na at lahat ng Certificate of Canvass o COC ay nai-print out na para sa pag-canvass.
Giit ni Dela Cruz, para sa kanila, sinuman ang maiproklamang Bise Presidente ng National Board of Canvassers, dapat ay mayroon itong malinaw na mandato sa pag-upo sa puwesto.
By: Meann Tanbio