Nagbabala si Communist of the Philippines Leader Joma Sison na magpapatuloy ang mga pag-atake sa mga pwersa ng gobyerno hangga’t nakaupo si Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Sison, ito ay dahil wala naman silang nakikitang matinong hakbang ang pamahalaang Aquino para sa usapang pang-kapayapaan.
Matatandaang tinambangan ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army ang mga government forces sa Negros Occidental noong Sabado kung saan isang kawal ang nasawi habang maraming iba pa ang nasugatan.
Noong Linggo, sinalakay din ng mga hinihinalang kasapi ng NPA ang isang police station at municipal hall ng Governor Generoso sa Davao Oriental kung saan isa ang nasugatan at binihag pa ang hepe ng pulisya.
Giit ni Sison, isinasagawa ng armed wing ng Partido Komunista ang mga pag-atake para ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa militar.
By Jelbert Perdez