Dumalo at naki-jamming si Pangulong Noynoy Aquino sa thanksgiving party ni Vice-President elect Leni Robredo sa headquarters ng Liberal Party sa Cubao, Quezon City.
Dumating ang Pangulo sa pagdiriwang pasado alas siyete ng gabi na kapwa dinaluhan din ng mga opisyal at supporter ng LP.
Bago nagsimula ang party ay nagkaroon ng isang misa ng pasasalamat sa tagumpay ni Robredo sa bagong antas ng tungkulin sa pulitika na mula sa pagiging abugado ay naging Kongresista hangang maging Pangalawang Pangulo.
Hinarana naman ng Presidente ang mga supporter ng kanilang partido na dumalo sa kasayahan at nakipagsabayan kina Mar Roxas at ilang miyembro ng gabinete sa mga kantang tulad ng “can’t smile without you”, awitin mo, isasayaw ko”, “september”, “buttercup”, at “always something there to remind me.”
Kinanta rin ng Pangulo ang “the impossible dream”, na isa sa tatak ng kanyang yumaong amang si dating Senador Ninoy Aquino.
Kabilang sa mga miyembro ng gabineteng dumalo sa piging ay sina Budget Secretary Florencio Abad, Social Welfare Secretary Corazon Soliman, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, Interior Secretary Mel Sarmiento, at dating Justice Secretary na ngayon ay Senator-elect Leila de Lima.
By: Drew Nacino