Nag-iisa lamang para kay Atty. Romulo Macalintal ang isang Muhammad Ali.
Ayon kay Macalintal, bihira ang katulad ni Ali na ginamit ang kanyang katanyagan para ipaglaban ang kanyang prinsipyo kahit pa ano ang maging kapalit nito.
Tatlumpu’t dalawang taon ring nakipaglaban sa Parkinson’s disease si Ali bago ito pumanaw dahil sa respiratory complications sa edad na 74.
“Maaalala natin na kahit siya’s boxer ginamit niya ang kanyang katanyagan para yung kanyang religion ay kanyang maipaglaban, para yung Muslim rights ay kanyang maipaglaban, andun natanggalan siya ng kanyang lisensya, andun na halos wala na siyang pera, sa speaking engagement lang siya kumukuha pero ipinagpatuloy niya ang kanyang pakikipaglaban hindi lamang para sa sarili kundi para sa kabutihan ng kanyang mga kababayan.” Ani Macalintal.
Ibinahagi ni Macalintal sa DWIZ kung paano siya nabigyan ng pagkakataong makaharap ng solo sa loob ng kanyang hotel room ang kampeon.
Ayon kay Macalintal, nagtungo sya sa Hilton Hotel kung saan tumuloy noong 1975 para sa Thrilla in Manila si Ali at ipinakita ang clippings niya na sinimulan nyang ipunin noong kilala pa ang boxer sa pangalang Cassius Clay.
Dahil sa hindi niya inakalang mabibigyan siya ng pagkakataong makaharap si Ali, hindi nakapagdala ng camera si Atty. Macalintal.
Kaya naman hindi anya niya malilimutan nang sabihan siya ni Ali na magtungo kinabukasan sa Folk Arts Theatre kung saan ang training ng kampeon upang makapagpakuha sila ng larawan.
“Kaming dalawa lang sa kuwarto niya, he expressed his appreciation sabi niya you know your album is authentic, yung sa akin kasi yellowish na, 1975 kami nagkita pero yung date ng aking mga articles ay 1960. As he went over my clippings pagka maganda yung mga picture niya sasabihin niya yung istorya behind the picture then pipirmahan niya yun, sabi niya “May I sign this one? I like this one”. Nanood kami ng Marvin series, it’s a TV series about criminality, tapos sinasabi niya gusto sana niya mga cartoons tapos in between ang maganda dun tatayo yun kukuha ng juice at biscuits, sa carpet lang kami nakaupo kaya sabi ko sa sarili ko, baka naman hindi totoo ito kasi pinagsisilbihan ako ng the most popular man in the world.” Pahayag ni Macalintal.
Aniya masaya siya na nabigyan siya ng pambihirang pagkakataon at malaking karangalan na makadaupang-palad ang isang boxing legend.
Sa huli sinabi ni Macalintal na sa buhay kung may oportunidad na dumating ay dapat na samantalahin mo ito dahil maaaring hindi na ito bumalik.
Narito ang ilan sa mga pinirmahang old news clippings ni Ali.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: Atty. Romulo Macalintal