Isinailalim na sa inquest proceedings ang isang babaeng pasahero matapos arestuhin dahil sa pagbibiro na may dalang bomba sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Nancy Garcia Ebata, 27-anyos at residente ng Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon kay Police Senior Supt. Adolfo Samala Jr., pinuno ng Aviation Security Unit-NCR, patungo sana si Garcia sa Haneda, Japan sakay ng Philippine Airlines flight PR-422.
Pagdating nito sa check-in counter 49 Northwing departure area ng NAIA terminal 2, tinanong siya ni customer service agent Leonardo Mendina Jr. kung ano ang laman ng kanyang bagahe at pabirong sumagot na mayroon itong bomba.
Dahil dito, agad na inaresto si Ebata at binasahan ng Miranda Doctrine.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Aviation Security Unit si Ebata habang isinasagawa ang imbestigasyon.
By: Meann Tanbio