Nakaranas ng pang-haharass mula sa mga Chinese Coast Guard ang mga Pilipinong naglayag sa West Philippine Sea noong mismong Araw ng Kalayaan.
Ayon sa grupong Kalayaan Atin Ito, 16 na miyembro ng grupo ang naglayag sa naturang bahagi upang iwagayway ang watawat ng Pilipinas noong Hunyo 12, Linggo.
Ngunit habang papalapit aniya sa Shoal ang bangkang sinasakyan ng grupo ay inatake sila ng water cannon ng Chinese Coast Guard.
Naglakas loob ang ilang na tumalon at languyin na lamang ang kapirasong batong nakalutang ngunit hinabol sila ng dalawang Chinese speed boat.
Mabuti na lamang ay matagumpay na narating ng dalawang miyembro ang bato kung saan nagawa nilang iwagayway ang bandila ng bansa.
Inaasahang sa susunod na mga linggo ay ilalabas na ng arbitration court ang desisyon nito kaugnay kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Chinese government
Pumalag naman ang China sa ginawang umanong panghihimasok ng mga Kabataang Pilipino sa bahagi ng teritoryo nito sa South China Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesman Lu Kang, simula pa noong unang panahon ay bahagi ng teritoryo ng China ang Scarborough Shoal.
Kaugnay nito, hinihikayat ng China ang Pilipinas na irespeto ang soberenya ng bansa at iwasan ang anomang prerogative actions.
By Rianne Briones