Naniniwala ang Malakanyang na napahina at lumiit na ang ginagalawan ng Abu Sayyaf Group bunsod na rin ng walang humpay na operasyon ng militar at pulisya.
Taliwas ito sa paniwala ng ilang opisyal ng Canadian Government na mahina umano ang local intelligence sa bansa kaya hindi matapos-tapos ang pangingidnap ang Abu Sayyaf.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na nalimitahan na ang pagkilos ng mga bandido.
Idinagdag pa ni Coloma na tuluy-tuloy ang opensiba laban sa ASG hanggang sa tuluyang madurog ang mga ito.
Nauna nang inihayag ng Pangulong Noynoy Aquino na bago siya bumaba sa pwesto sa June 30, madudurog na o kung hindi man ay mapahina ang pwersa ng Abu Sayyaf.
By: Meann Tanbio