Nagsalita na ang 4 time MVP ng Philippine Basketball Association na si Ramon Fernandez hinggil sa ulat na kabilang siya sa mga ikinukunsidera bilang susunod na chairman ng Philippine Sports Commission.
Ito’y makaraang kumalat sa internet ang larawan ni Fernandez na itinaas ang kamay ni President-elect Rodrigo Duterte.
Ayon sa basketball legend na sinuportahan niya ang kandidatura ni President-elect Rodrigo Duterte subalit hindi naman siya naghangad ng kapalit.
Sa katunayan anya ay hindi siya nag-apply ng anumang posisyon at wala rin siyang hiniling kay Duterte sa kasagsagan ng kampanya nito.
Gayunman, aminado ang 62-anyos na PBA hall of famer na bukas siya sa posibilidad na italaga para sa isang posisyon.
Bukod sa dating Toyota Comets Star, kabilang din sa listahan ng mga posibleng pumalit kay PSC Chairman Richie Garcia sina dating Senator Nikki Coseteng, PBA coach Yeng Guiao at kasalukuyang PSC Executive Director, Atty. Guillermo Iroy.
By Drew Nacino