Nagkaroon umano ng unscheduled brownout sa Jolo, Sulu noong Lunes kaya hindi natunugan ng pulis at militar ang ginawang pagtatapon ng ulo ng Canadian Hostage na si Robert Hall malapit sa Jolo Cathedral.
Ayon sa Pangulong Noynoy Aquino, ito ay batay sa report sa kanya ng mga otoridad sa ipinatawag na Command Conference sa Sulu, kasunod na rin ng puna ng mga kritiko na mahina ang intelligence ng mga otoridad.
Sinabi ng Pangulo na atin man o hindi ay may mga sympathizer ang bandido lalo pa’t balwarte ng mga ito ang lugar.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na isa itong uri ng propaganda at sinadya ang brownout para maitapon ng Abu Sayyaf ang ulo ni Hall.
Kaugnay dito, pinag-iisipan ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagdedeklara ng Martial Law sa Sulu na naglalayong madurog at malumpo ang aktibidad ng Abu Sayyaf Group.
Inamin ng Pangulo na binalak niyang ipatupad ang Martial Law sa Sulu Tatlong Linggo na ang nakalilipas, subalit hindi ito itinuloy dahil hindi garantiyang malulutas ang problema, bagkus ay baka lalo lamang makakuha ng simpatiya sa komunidad ang ASG.
Batay aniya sa assessment, maraming puwersang gagamitin para ipatupad ang Martial Law at may paniwalang baka maging negatibo ang kalabasan.
Sinabi pa ng Pangulo na nagpatupad na ng refinements ang militar at pulisya sa kanilang operasyon laban sa Abu Sayyaf para ligtas na mabawi ang natitirang bihag ng grupo.
Naiintindihan ng Presidente ang hirap ng mga tropa ng gobyerno sa kanilang operasyon laban sa mga bandido dahil bukod sa magubat na lugar ang Sulu, wala ring makuhang impormasyon sa mga komunidad dahil halos kamag-anak at symptathizers ang mga ito.
By: Meann Tanbio