Pinagtibay ng Court of Appeals ang parusang ipinataw ng Office of the Ombudsman laban sa isa nitong Special State Prosecutor na nabigong magsagawa ng reinvestigation sa kasong graft laban kay dating Manila Mayor Gemiliano Mel Lopez noong October 8, 1997.
Sa 9 na pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Florito Macalino ng CA Special 10th Division, ibinasura nito ang petisyon na inihain ni Special Prosecutor Wendell Barreras-Sulit na kumukwestiyon sa desisyon ng Ombudsman noong October 8, 2014.
Sa rekord ng kaso, inatasan si Sulit na muling imbestigahan ang kasong kinasangkutan ni Lopez, ngunit hindi nito sinunod kaya dinismis ng Sandiganbayan ang kaso laban sa dating alkalde on-constitutional ground.
Ayon sa Ombudsman, guilty si Sulit sa kasong simple neglect of duty kaya inatasang magmulta ng halagang katapat ng isang buwan niyang suweldo na kanyang babayaran sa tanggapan ng Sandiganbayan.
Pumalag si Sulit sa parusa at sa halip, inakyat nito sa CA ang kaso.
Ngunit, ayon sa Appellate Court, walang naganap na pag-abuso sa panig ng Ombudsman nang patawan siya ng disciplinary action.
By: Meann Tanbio