May basehan ang pahayag ni Senador Tito Sotto na hindi makikialam sa gawain ng Senado si President elect Rodrigo Durerte lalo na sa isyu ng Senate Presidency.
Ito’y dahil na rin sa iisa lamang ang kapartido nito sa Senado at wala pang nanalo mula sa PDP-Laban noong nakaraang eleksyon.
Ayon kay University of the Philippines Prof. Ranjit Rye, bagamat may impluwensiya ang Pangulo ng bansa sa Senado ay hindi naman agad na makapanghihimasok si Duterte lalo pa’t may kontrol pa rin ang ibang partido sa Senado partikular ang Liberal Party na 7 sa kanilang Senatorial line-up ang nakapasok.
Idinagdag pa ni Rye na may epekto pa rin kung maraming kapartido ang nanalo o nakaupo sa pwesto kumpara kay Duterte na tanging si Senador Koko Pimentel lamang ang kapartido.
Matatandaang minaliit lamang ni Sotto ang PDP-Laban ni incoming President Rodrigo Duterte matapos sabihing walang nanalo mula sa kanyang partido, habang 7 ang pumasok sa Partido Liberal.
Inaasahan ni Sotto na ang hindi pakikialam ni Duterte ay hindi lamang dahil wala siyang ka-partido bagkus, tototohanin nito na pananatilihin niya ang pagiging independent ng Senado.
By: Meann Tanbio