Nagdeklara ng Yellow Fever outbreak ang Congo sa kapitolyo na Kinshasa na may sampung milyong populasyon, at sa dalawa pang probinsya sa kanluran bahagi ng bansa.
Ayon kay health minister Kabange Numbi, nakapagtala na sila ng animnapu’t pitong kaso kabilang ang limang kumpirmadong namatay na sa probinsya ng Kinshasa, Kongo Central at Kwango.
Aniya ang pagdami ng kaso ng Yellow Fever ay iniuugnay sa angolan outbreak na kumitil ng mahigit sa tatlong daan katao mula noong Disyembre.
Sinabi ng World Health Organization na dahil sa dalawang libo limang daang kaso ng nakamamatay na sakit sa Angola noong nakalipas na buwan, kumalat na ito sa Democratic Republic of Congo, Kenya at China.
By: Mariboy Ysibido