Tiniyak ng NFA o National Food Authority na ligtas ang Pilipinas mula sa di umano’y pekeng bigas na kumakalat sa Indonesia, India at Vietnam.
Ayon kay Jerry Imperial, Spokesman ng NFA, kahit umaangkat ng bigas ang Pilipinas sa Vietnam, mahigpit naman ang kanilang requirements upang matiyak na maganda ang kalidad ng bigas at ligtas itong kainin.
Una nang kumalat sa internet ang balita na ibinebenta sa mga bansa sa Asya ang pekeng bigas na gawa sa kamote at may halong plastic.
Sinabi ni Imperial na nagkaroon na rin ng pagkakataon na napaulat na may cadmium ang mga ibinebentang commercial rice sa mga pamilihan subalit napatunayan sa pagsusuri ng Food and Development Center na wala itong katotohanan.
“Ang isa sa pinakamahigpit na requirement dito ay yung sanitary certificate na nagpapatunay na safe for consumption ang mga pumapasok na bigas sa atin. Ito yung isang dahilan kung kaya’t dapat talaga na mahinto yung smuggling ng bigas, dahil sa smuggled rice, hindi natin alam kung saan nanggaling at wala yung mga kinakailangang mga certification.” Pahayag ni Imperial.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: Reuters