Ipinagdiinan ngayon ni Senator-elect Win Gatchalian na dapat munang malaman ang estratehiyang gagawin ng gobyerno sa pagresolba sa problema sa trapiko, oras na pagkalooban ng Emergency Power si incoming President Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gatchalian, ito ay para makita kung kakayanin ba na lutasin ang problema ng walang paiiraling emergency power.
Iginiit ni Gatchalian na nagbibigay ng napakalawak na kapangyarihan sa maraming bagay ang emergency power tulad sa bidding at pagpasok sa kontrata.
Karaniwan aniyang nagkakaroon ng pagdududa sa isipan ng publiko kapag idinaan sa short cut ang bidding process kaya’t hanggat makakaya, dapat ay laging transparent ang bidding process.
Idinagdag pa ni Gatchalian na sakaling magpasya ang nakararami na pagkalooban ng emergency power ang Pangulo, mahalagang magkaroon ng safeguards upang hindi maulit ang nangyari noong nagkaroon ng power crisis kung saan ay may mga pinasok na kontrata ang gobyerno na agrabyado ang publiko.
Ilan sa mga nakikitang solusyon ni Gatchalian na hindi na nangangailangan ng emergency power ay ang pag-invest para sa Bus Rapid System at pagpapalawak sa MRT at LRT.
Kaugnay din dito, bukas si Senate President Franklin Drilon at ilan pang senador sa panukalang pagkalooban ng emergency power si incoming President Rodrigo Duterte para sa paglutas sa malalang problema sa trapiko sa Metro Manila at ilang urban areas.
Pero, nais munang makita ni Drilon kung anong partikular na emergency power ang hihingin ng ehekutibo para kay Duterte at ano ang mga safeguards para maiwasan ang pag-abuso sa paggamit nito.
Iginiit naman ni Senador JV Ejercito na mahalagang mapag-aralan ang panukalang emergency power para kay Duterte upang makita kung ito nga ba ang sagot sa problema sa trapiko.
Para naman kay Senator elect Joel Villanueva, makabubuting bumuo ng working group na rerepaso kung gaano kalawak ang kinakailangang emergency power at malaman kung ano ang makakayang gawin ng mga local at national leader sa paglutas sa nabanggit na problema.
By: Meann Tabio