Isiniwalat ni Senador Jayvee Ejercito na 4 sa 8 na-ideliver na UH-1N huey helicopter ang hindi na magagamit ng militar.
Ito’y makaraang mabatid ng senador sa ginawang pagdinig ng senado hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng mga chopper ng Department of National Defense o DND at ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Sinabi sa DWIZ ni Ejercito na kaduda-duda talaga ang pinasok na kontrata ng DND sa kumpaniyang Rice Aircraft Services Incorporated o RASI dahil pilit itong pinaboran sa kabila ng pagkabigo nito sa bidding ng tatlong beses.
Binigyang diin pa ng senador na dapat dumaan sa evaluation ng AFP ang air worthiness ng mga biniling helicopter dahil malalagay sa alanganin ang mga sundalong gagamit nito.
“Sabi nga natin eh it’s either nalusutan tayo o nagbulag-bulagan yung mga tumanggap po niyan, kaso ang problema parang wala akong nakikitang bagong aircraft, walang bagong equipment. Mukhang ilang dekada na kung sino yung nasa Bids and Awards, kung sino yung nasa procurement units, mukhang doon nagkakalutuan eh.” Pahayag ni Ejercito.
By Jaymark Dagala | Karambola