Target ipasa ng mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang mandatory sim card registration bago mag-adjourn ang kongreso sa June 11.
Ayon kay Marikina Second District Congressman Miro Quimbo, napapanahon nang ipasa ang panukalang batas na noong nakaraang kongreso pa nila isinusulong.
Sa ilalim ng panukalang batas, mas mabilis nang matutukoy ang may-ari ng sim card na ginamit sa masamang aktibidad dahil magkakaroon ng database ang National Telecommunications Commission ng mga may-ari ng sim cards.
“Ang purpose po dito lalo na sa usapin ng pagkakaroon ng monitong, yun po ang gagawin niyo, ngunit lahat po ng information na yan ay magiging confidential, hindi yan basta-basta pupuwedeng ilalabas, infact, mabigat din ang kaparusahan kapag na-violate ang confidentiality, dahil sa lahat naman ng ayaw natin dito, ay gamitin ang data na ito para sa hindi naman po tama.” Ani Quimbo.
Sa ilalim ng House Bill 5231 o Sim Card Registration Act of 2015, obligadong magbigay ng sim card registration form ang Telecom company tulad ng Globe, Smart at iba pa sa lahat ng dealers o nagtitinda ng sim card.
Kailangan ring tiyakin ng dealers ang identity ng bumibili ng sim card.
Ayon kay Quimbo, ang mga lumang sim cards ay kailangang maiparehistro sa loob ng tatlong buwan makaraang maisabatas ang panukala.
Sinabi ni Quimbo na ang lahat ng sim card na hindi maipaparehistro ay otomatikong ide-deactivate ng Telecom company.
Inilahad rin ni Quimbo ang mga posibleng parusa sa sinumang lalabag sa Sim Card Registration Act.
“Ibig sabihin is if they refuse to carry out yung proseso na kung saan kinakailangan nilang siguraduhin na ang taong bumibili ay ang taong ito, ngunit pinahintulutan nila peke pala yung bumubili o peke yung nagpapakilala, ang kaparusahan diyan, sa first offense P300,000, at umaabot po hanggang 1 million kapag siya’y umulit pa ng halos 3 beses.” Pahayag ni Quimbo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita