Pinakakasuhan ng Ombudsman ng graft si dating Caloocan City Mayor Enrico Echiverri dahil sa maanomalyang 2.9 million pesos na halaga ng drainage project noong 2011.
Ayon sa Ombudsman, pumasok ang city government sa halos 3 milyong pisong kontrata sa EV and E Construction para sa improvement ng drainage system ng Molave St. sa Pleasantview Subdivision ng walang apruba ng Sangguniang Panlungsod.
Bukod dito, ipinabatid ng Ombudsman na nag-isyu na ang Commission on Audit ng notice of disallowance laban sa proyekto noong October 2013 matapos madiskubre ang mga iregularidad sa naturang proyekto.
Dawit din sa maanomalyang proyekto at pinasasampahan ng graft at falsification of public documents ng Ombudsman si dating City Government Accountant Edna Centeno at City Budget Officer Jesusa Garcia.
By Judith Larino | Jill Resontoc (Patrol 7)