Nakatakda nang manumpa ngayong araw si Rodrigo Roa Duterte at Leni Gerona Robredo bilang pangulo at pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay incoming Presidential Spokesman Ernie Abella, magiging edited o maigsi lamang ang salubong nila outgoing President Benigno Aquino III at President-elect Duterte sa Palasyo ng Malacañang.
Alas-10:30, sasalubungin ni PNoy si Duterte sa Reception Hall kung saan, pipirma ito sa guest book, simbulo na si Duterte ang kahuli-hulihang panauhin ng outgoing president.
Sunod namang isasagawa ang departure honors kay Aquino bilang Commander in Chief sa Palace Grounds na siyang hudyat ng pagbaba nito sa kapangyarihan.
Matapos nito, agad sasakay si Citizen Noy sa kanyang sasakyan at tutulak na sa bahay nito sa Times Street, Quezon City.
Samantalang babalik naman sa Reception Hall si Pangulong Duterte at ayon sa batas, kailangang tapos na ang panunumpa nito eksaktong alas-12:00 ng tanghali.
VP Robredo
Sa Quezon City Reception House o ang dating kontrobersiyal na Boracay Mansion manunumpa si Vice President-elect Leni Robredo.
Ayon sa kampo ni Robredo, simple at maiksi lamang ang magiging takbo ng kanyang inagurasyon na magsisimula alas-9:00 pa lamang ng umaga.
Magsisimula ang inagurasyon sa pag-awit ng Lupang Hinirang ng Payatas Children’s Choir na susundan ng mismong panunumpa.
Ang bunsong anak ni Robredo na si Jillian ang siyang hahawak ng bibliya habang pangangasiwaan naman ito ni Barangay Captain Ronaldo Coner ng Punta Tarawal, Calabangga, Camarines Sur.
Pagkatapos nito, magibibigay ng maikling talumpati ang bagong halal na bise president.
Gagawin ang inagurasyon ni Robredo sa concert canopy na nasa likurang bahagi ng Quezon City Reception House.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na hiwalay na manunumpa sa puwesto ang dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
By Jaymark Dagala