Ipinagtanggol ng Malakanyang si Solicitor General Jose Calida laban sa buwelta at banat nina Senadora Leila De Lima at Senate President Franklin Drilon kaugnay sa isyu ng nakatakdang imbestigasyon sa umano’y extra judicial killing ng mga sangkot sa illegal na droga.
Iginiit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ginagawa lamang ni Calida ang kanyang tungkulin bilang Solicitor General at abugado ng gobyerno.
Matatandaang noong Lunes, binatikos ni Calida si De Lima dahil sa balak nitong imbestigahan ang all-out-war campaign ng Duterte Administration dahil sa paniwalang wala sa katwiran ang maramihang pagpatay sa mga drug suspect.
Sa ngayon ay hindi pa nadedesisyunan sa Senado kung aaprubahan ang resolusyon ni De Lima para imbestigahan ang mga otoridad na umano’y sangkot sa extra judicial killings.
By: Meann Tanbio