Ipinagbunyi ng mga Pilipino ang pagpabor sa Pilipinas ng International Arbitral Court kaugnay sa reklamong inihain nito laban sa China.
Nagpalipad ng mga kulay puti, asul at pulang lobo at nag-alay ng palumpon ng mga sampaguita sa Manila Bay ang iba’t ibang grupong sumusuporta sa Pilipinas.
Nakaharap ang grupo sa direksyon ng West Philippine Sea upang ipakita ang kahandaang ipaglaban ang soberenya ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay dating National Security Adviser at kongresista na si Roilo Golez, umaasa siyang makukuha ng Pilipinas ang suporta ng buong mundo sa hakbanging ipaglaban kung ano ang nararapat para sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinagbunyi rin ng grupong West Philippine Sea Coalition ang pagpabor sa Pilipinas ng desisyon ng International Arbitral Court hinggil sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay dating Interior Secretary Rafael Alunan, Co-convenor ng kowalisyon, bagaman hindi kinikilala ng China ang pasya ng UN, naniniwala silang tatalima ang Tsina sa resulta ng Arbitration.
Inihayag din ni Alunan na dapat pa ring mag-usap ang Pilipinas at Tsina kahit pinal na ang pasya ng International Court.
Bahagi ng pahayag ni former DILG Secretary Rafael Alunan
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Ratsada Balita
Photo Credit: abs-cbn news