Pupulungin muna ng Pilipinas ang mga claimants sa West Philippine Sea bago gumawa ng hakbang.
Ito ay sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa inihaing reklamo nito sa Permanent Court of Arbitration laban sa China na may kinalaman sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa ngayon ay kanila pang pinag-aaralan ang naging desisyon ng International Tribunal na pumapabor sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Lorenzana na ang sigurado sa ngayon ay hindi aniya gagawa ng anumang hakbang ang gobyerno na makapagpapalala lamang ng sitwasyon sa West Philippine Sea.
Matatandaang maliban sa China at Pilipinas, claimants din ng West Philippine Sea ang Malaysia, Brunei, Vietnam at iba pa.
Malacañang
Inabot ng madaling araw ang cabinet meeting ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa cabinet meeting nabigay ng briefing ang Office of the Solicitor General (OSG) hinggil sa 500 pahinang resolusyon ng International Arbitral Tribunal sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hihintayin pa nila ang interpretasyong gagawin ng OSG sa ruling ng Tribunal upang makabuo ng susunod na hakbang.
Samantala, maliban anya sa ruling ng Tribunal, pinag-usapan rin sa cabinet meeting ang hacking sa mga government websites tulad ng ginawa sa website ng NAPC o National Anti-Poverty Commission.
Tiniyak ni Andanar na mahigpit na imomonitor ng National Security Council ang isyu ng hacking.
US
Samantala, hinikayat ng Estados Unidos ang mga bansang may hinahabol na teritoryo sa West Philippine Sea na iwasan ang mga nakakagalit na pahayag.
Sa inilabas na statement ni US State Department Asst. Secretary John Kirby, binigyang diin nito na dapat gamiting oportunidad ng bawat bansa lalo na ng China at Pilipinas ang ruling ng International Arbitral Tribunal para maresolba ng mapayapa ang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Hinikayat ni Kirby ang mga claimant countries na linawin kung naaayon sa Law of the Sea Convention ang kanilang paghahabol ng teritoryo.
Sa ngayon anya ay wala munang ilalabas na komentaryo ang Amerika hinggil sa merito ng ruling ng Tribunal dahil kailangan pa nila itong pag-aralan.
Gayunman, umaasa ang Amerika na susunod sa kani-kanilang obligasyon na naaayon sa ruling ang Pilipinas at ang China.
By Ralph Obina | Len Aguirre | Jonathan Andal | Aileen Taliping