Pumalag ang China sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration kaugnay ng desisyon nitong pumabor sa Pilipinas.
Batay sa ulat ng Chinese News, sinabi umano ni Vice Foreign Minister Liu Zhenmin na maituturing na basura ang desisyon dahil kinontrol lamang umano ito ng korte.
Matapang na iginiit ni Liu na nagbigay umano ng padulas o suhol ang Pilipinas at ang iba pang mga bansa sa International Tribunal upang maging kontra sa China ang hatol.
Paliwanag ni Liu, mula sa mga bansa sa European Union ang Apat na hukom sa Arbitral Tribunal habang matagal nang nakatira sa Europa ang Chairman nito.
Partikular niyang inakusahan ang dating Pangulo ng International Tribunal on the Law of the Sea na si Shunji Yanai na siyang nagkontrol sa proseso ng nasabing Korte.
Una nang iginiit ng China na wala umanong kapangyarihan ang Permanent Court of Arbitration na magdesisyon hinggil sa alitan.
by: Avee Devierte