Inihayag ng China na bukas ito sa pakikipag-negosasyon sa Pilipinas hinggil sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin ang pahayag kasunod ng desisyon ng Arbitral Tribunal na hindi pabor sa kanila.
Pinapurihan ni Zhenmin ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat hanapin pa rin ang pinakamapayapang paraan para sa naturang usapin.
Giit ni Zhenmin, bukas ang China sa mapayapang pakikipag-diyalogo para sa pagkakaisa ng dalawang bansa.
Air defense identification zone
May karapatan ang China na magdeklara ng air defense identification zone sa West Philippine Sea.
Ito ang binigyang diin ni Vice Foreign Minister Liu Zhenmin kasabay ng muling pagtuligsa sa desisyon ng International Tribunal hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.
Giit ni Zhenmin, sa pamamagitan ng defense zone ay posibleng obligahin ang mga civilian aircraft na dumaan sa kanilang military controllers.
Paliwanag naman ng opisyal, ang planong paglalatag nito ay depende pa rin sa antas ng banta na kanilang matatanggap mula sa labas.
Ibinabala pa ni Zhenmin na hindi dapat gawing ‘duyan ng digmaan’ ang South China Sea sapagka’t layunin nilang gawin itong sentro ng kapayapaan, pagkakaibigan at pagtutulungan.
By Jelbert Perdez