Ipinauubaya na ng Philippine National Police (PNP) sa Solicitor General ang pagpapasya kung dapat o hindi sila dapat humarap sa imbestigasyon ng senado sa sunud-sunod na pagpatay sa mga hinihinalang kriminal.
Ayon kay Senior Supt. Dionardo Carlos, Spokesman ng PNP, anuman ang maging pasya ng Solicitor General na aakto bilang abogado ng PNP ay kanilang susundin.
Una rito, naghain na ng resolusyon si Senador Leila de Lima para imbestigahan ang mga nangyayaring patayan na bunga ng kampanya kontra krimen ng Duterte administration.
Sinabi ni Carlos na umaabot na ngayon sa 192 ang napatay sa operasyon ng pulisya kontra sa mga iba’t ibang krimen lalo na sa mga sangkot sa illegal drugs.
Mayroon na rin anyang 6,600 sumuko samantalang may 4,000 na silang mga naaresto.
Tiniyak ni Carlos na bahagi ng ginagawa nilang imbestigasyon ang posibilidad na labanan ng mga sindikato o mga drug lords rin ang nasa likod ng sunud-sunod na patayan.
Bahagi ng pahayag ni PNP Spokesman, Senior Superintendent Dionardo Carlos
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas