Puspusan na ang paghahanda ng Malacañang para sa kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 25.
Sa katunayan, sunud-sunod na ang mga pagpupulong ng Presidential Communications Office para maplantsa ang mga paghahanda lalo’t itinuturing nila itong makasaysayan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, nais ng Pangulo na diretsang maihahatid sa tumbayan ang kanyang mensahe.
Kaya naman, ito aniya ang pinagtutulungan nila ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza para maramdaman ng publiko ang mga nais ng Pangulo para sa bayan.
Kaugnay nito, posibleng may panibagong pasabog na naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kauna-unahang SONA.
Ayon kay Andanar, inaasahang may matitinding pangalan ang lulutang sa SONA ng pangulo bilang bahagi ng transparency sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.
Ngunit tumangging magdetalye si Andanar kung sinu-sino ang mga papangalanan ng pangulo at sinabihan ang publiko na maiging mag-abang na lamang.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Andanar na kanilang binabalikan ang mga naging SONA ng mga nakalipas na Pangulo dahil nais nilang maging kakaiba at makasaysayan ang pag-uulat ng Pangulong Duterte sa bayan.
Now in Davao
Samantala, kasalukuyang nasa Davao City ang Pangulong Rodrigo Duterte para maglaan ng oras sa kanyang pamilya.
Ito’y makaraang umuwi pasado alas-9:00 kagabi ang Pangulo sakay ng isang private jet.
Una nang sinabi ng Pangulo na mas nais niyang sumakay sa commercial flight sa tuwng uuwi siya sa Davao City.
Magugunitang sinabi mismo ng Pangulo na maglalaan siya ng oras para umuwi sa daVao lalo’t hinahanap-hanap niya ang kanyang kama at ang paborito niyang monggo.
By Jaymark Dagala