Muling isinulong ni Senador Tito Sotto ang panukalang isailailim sa coverage ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang rehabilitasyon sa mga drug dependent.
Ito, ayon kay Sotto, ay upang magamit ng pamahalaan ang lahat ng pribadong rehabilitation facilities sa bansa.
Iginiit ng senador na malaki ang maitutulong nito sa pinaigting na kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga.
Binigyang diin ng senador na may sapat namang pondo ang PhilHealth para matustusan ang kanyang panukala.
Maliban sa legislation, sinabi ni Sotto na maaari ring gawing executive order ang kanyang panukala upang agad itong ipatupad.
Drug suspects
Samantala, kakayaning balikatin ng mga lokal na pamahalaan ang gastos para sa pagpapalibing ng mga napapatay na drug user at pusher.
Ito ang inihayag ni Senador Tito Sotto bilang tugon sa pag-angal ng mga punerarya sa pagdagsa ng mga bangkay ngunit wala namang pamilya ang kumukuha.
Ayon kay Sotto, hindi problema ang pondo dahil kung tutuusin, maliit lamang ang gastusin sa pagpapalibing.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)