Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nagkaroon sila ng problema sa pagpapatupad ng batas para sa mga kasambahay.
Ayon sa sa ahensya, nasa 35,000 kasambahay lamang ang mayroong kasulatan o written contracts sa kanilang mga employer.
Sinabi naman ni DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns Director IV Ahmma Charisma Lobrin-Satumba na mayroong tinatayang 1.4 milyon na mga household helpers sa bansa.
Sa nasabing bilang, 1.36 million kasambahay ang walang written employment contract.
Dagdag pa ni Lobrin-Satumba, dahil sa kawalan ng kontrata ay nananatiling isang malaking hamon ang pagbibigay proteksyon at benepisyo para sa mga kasambahay.
Samantala, masaya namang ibinahagi ni Lobrin-Satumba na nasa P500 hanggang P2,500 ang itinaas ng sahod ng lahat ng household helpers sa bansa.
Sa kasalukuyan ay naglalaro na sa P3,500 na pinakamababang sahod at pinakamataas na P6,000 ang kinikita ng mga kasambahay buwan-buwan depende sa rehiyon sa ilalim ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board. —sa panulat ni Hannah Oledan