Tatlo sa bawat apat na bata o 1.7 bilyong bata sa buong mundo ang apektado ng karahasan kada taon.
Batay ito sa pag-aaral na isinagawa ng Know Violence in Childhood, isang advocacy group na nakabase sa India.
Pinakatalamak na karahasan, ayon sa pag-aaral ay nangyayari sa bahay mismo ng mga bata na nakakaapekto sa 1.3 bilyong mga bata na may edad 1 hanggang 14 na taon.
Sinusundan ito ng bullying at away sa mga paaralan na nakakaapekto naman sa humigit kumulang 138 milyong kabataan na may edad 13 hanggang 15-anyos.
Pinakatalamak na karahasan naman sa kabataan ang nagaganap sa Africa kung saan 10 porsyento ng mga kabataang babae na may edad 15 hanggang 19-anyos ang nagiging biktima.
Ibinabala ni Shiva Kumar, co-chairperson ng grupo na mayroong matinding epekto ang ganitong sitwasyon ng mga kabataan sa social, health at ekonomiya ng isang bansa.
—-