Bigong makamit ng pamahalaan ang target na 1.8 milyong pilipino na mabakunahan sa ikaapat na mass vaccination drive.
Sa datos ng National Vaccination Operations Center (NVOC) nitong Lunes, aabot lamang sa 1.16 milyong COVID-19 vaccine doses ang na-administer o 62% ng target nito.
Sa nasabing bilang, mahigit 281,000 ang naiturok bilang first dose, mahigit 485,000 ang second dose, at mahigit 399,000 ang naiturok bilang booster o additional dose.
Ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga nabakunahan na umabot sa 171,584, kung saan nahigitan pa ito ang target nitong 167,000.
Maliban dito, ito rin ang tanging rehiyon sa bansa na naabot ang target nito para sa tatlong araw na malawakang bakunahan.
Ayon pa sa NVOC, 10 rehiyon naman ang may accomplishment rate na 50% hanggang halos 90% ng nabakunahan kontra COVID-19.
Hindi naman naabot ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Mimaropa, Bicol Region, Soccsksargen, Central Visayas, at Western Visayas ang kahit kalahati ng kanilang target na bilang.