Nasawi ang isang taong gulang na bata sa Libmanan, Camarines Sur matapos malunod nang pasukin ng tubig-baha ang kanilang bahay sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Libmanan MDRRMO Chief Rowel Tormes, magkatabing natulog ang ina at lola ng bata kaya hindi namalayan na gumalaw ang paslit at nahulog sa tubig-baha sa loob ng kanilang bahay na may taas hanggang tuhod.
Nagising na lamang ang ina na wala sa tabi ang kaniyang anak, kaya hinanap nila ito hanggang sa nakita nagpalutang-lutang sa loob ng kanilang bahay.
Tinangka pang dalhin sa ospital ang bata ngunit idineklara na itong patay ng mga doktor.