Patay ang isang batang lalaki matapos malunod sa isang palaisdaan sa Cabiao, Nueva Ecija.
Kinilala ang biktima na si alyas “Boy’, walong taong gulang.
Ayon sa Cabiao Police, huling nakitang buhay ang biktimang kalaro ang kanyang kapatid na babae na nuwebe anyos sa gilid ng bahay ng kanilang lolo na si eduardo rodriguez, 61 anyos, na malapit lang sa nasabing palaisdaan.
Paniwala ng otoridad, maaaring sa kuryosidad ng biktima ay nagawi ito sa palaisdaan at pinanood ang mga isda ngunit aksidenteng nahulog dito nang hindi namamalayan ng mga tao roon.
Wala namang nakita na “foul play” sa pagkasawi ng biktima, habang ang pamilya nito ay tumanggi nang magsagawa ng autopsy sa bangkay.