Nagkasa ng sariling reward si Mayor Johnielle Keith Nieto ng Cainta, Rizal para sa doktor na makapagpapagaling ng maraming coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients sa kaniyang bayan.
Itinaya ni Nieto ang isang buwan niyang suweldo bilang pabuya sa doktor na maraming mapapagaling na pasyente ng COVID-19.
Nagtalaga na ang lokal na pamahalaan ng 33 doktor para alagaan ang mga pasyente at sa ilalim ng referral system, araw-araw na kukumustahin ng bawat doktor ang kanilang mga pasyente —naka-home quarantine man o nasa pasilidad.
Naka-post na sa social media account ni Nieto ang pangalan ng mga doktor at kung ilan ang kanilang pasyente sa mga barangay.
Una nang inanunsyo ni Nieto ang paggamit nila ng cash donations na pambili ng Chinese herbal medicine na kanilang ipinamamahagi sa mga pasyente para makatulong sa kanilang agarang paggaling.