Nanawagan sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga abogado na i-convene ang inter-agency coordinating body upang tingnan ang hirit na palayain ang mga kwalipikadong bilanggo sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga piitan.
Sa isang liham kay Chief Justice Diosdado Peralta, nakiusap ang free legal assistance group o flag na pulungin ang Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na pinamumunuan ng punong mahistrado.
Ayon sa flag, sa ganitong paraan ay mapag-aaralang mabuti ang panawagan na palabasin ng kulungan ang ilang preso para na rin sa kaligtasan ng mga ito.
Ang JSCC ay kinabibilangan ng lahat ng attached offices ng hudikatura tulad ng Department of Justice (DOJ), at Department of The Interior and Local Government (DILG).