Inilunsad ng grupong Tindig Pilipinas ang signature campaign na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumirma ng bank secrecy waiver upang matuldukan na ang issue sa kanya umanong tagong yaman.
Iginiit ng grupo na karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng transparent at accountable na pinuno.
Ayon kay dating Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Dinky Soliman, hindi nila layong patalsikin sa puwesto ang Pangulong Duterte.
Sakaling makalikom ang grupo ng isang milyong lagda ay dadalhin nila ito sa Pangulo sa Malacañang gayundin sa Senado at Kamara.
Samantala sa naturang pagtitipon, muling hinamon ni Senador Antonio Trillanes na pumirma ito ng waiver kung talagang walang tinatago.
“Digong noon pa lumagda sa bank waiver”
Iginiit ngayon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na lumagda na noon si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang bank waiver para patunayan na walang katotohanan ang multi-bilyong bank account nito.
Ang naturang pahayag ni Panelo ay nag-ugat matapos maglunsad ng signature campaign ang Tindig Pilipinas upang hilingin sa Pangulo na lumagda ito sa isang bank waiver.
Binigyang diin ni Panelo na valid pa rin hanggang ngayon ang nilagdaang special power of attorney ni Pangulong Duterte noong 2016 election.
Dagdag pa ni Panelo, wala nang ibang maibatong issue ang mga kontra sa administrasyon kaya pilit na sinisiraan na lamang ang Pangulong Duterte.
—-